Halos 1400 MMDA personnel, idedeploy malapit sa Batasan Complex sa SONA
Magpapakalat ang MMDA ng halos 1400 personnel nito sa mga lugar na malapit sa Batasan Complex kung saan isasagawa ang ikalawang State Of The Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes, bahagi ito ng ipatutupad nilang traffic management plan katuwang ang Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Atty. Artes, ang MMDA ang tutugon sa mga emergency response, road at sidewalk clearing operations at traffic management.
Wala munang day-off at bawal din lumiban ang mga MMDA personnel na nakatalaga sa SONA, mga ambulansya, tow trucks, mobile at motorcycle units.
Magpapatupad naman ng zipper lane sa southbound lane ng Commonwealth Avenue para sa mga government official at mga dadalo sa SONA ng Pangulo.
Asahan na raw ang matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko kaya pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta.
Ilan sa alternate routes para sa mga motoristang manggagaling sa Quezon City Memorial Circle (QCMC) papuntang Fairview ay maaaring dumaan sa PRRH Avenue, kakanan sa Mindanao Avenue, kanan sa Sauyo Road at diretso sa Quirino Highway.
Ang mga nasa southbound naman o mula fairview na papunta sa QCircle ay maaaring dumaan sa Sauyo Road-Quirino Highway, kaliwa sa Mindanao Avenue at kaliwa sa North Avenue.
Ang mga truck na manggagaling ng C5 sa Katipunan ay hindi muna papayagang dumaan sa Commonwealth Avenue.
Kailangang dumiretso sila sa Luzon Flyover at kakaliwa sa Congressional Avenue.
Meanne Corvera