Halos 20 million pesos na budget cut sa PAO Forensics, paglabag sa Anti-Torture Act at Obstruction of Justice
Nanindigan ang Public Attorney’s Office (PAO) na labag sa mga batas ang pagtapyas ng Kongreso sa halos 20 milyong pisong budget ng PAO forensics laboratory and equipment.
Ayon sa statement ng PAO Lawyers and Staff nationwide, partikular na nilabag ang section 9 ng Anti-Torture Act.
Sa ilalim ng probisyon, binibigyan ng kapangyarihan ang PAO na mag-imbestiga ng mga torture case.
Ipinunto ng PAO na ang mga Dengvaxia cases at iba pang homicidal case sa kaso nina Kian Delos Santos, Carl Arnaiz at Kulot de Guzman kung saan sangkot ang mga pulis ay naisampa gamit ang mga findings ng PAO forensic laboratory.
Kung aalisin anila ang budget ng PAO forensics ay saan hihingi ng forensic services ang mga mahihirap lalo na kung ang mga respondents ay mga pulis.
Iginiit pa ng mga PAO lawyers na Obstruction of Justice ang pagtanggal sa pondo ng PAO Forensics dahil nilalabag nito ang DOJ Memorandum Circular na nag-aatas sa PAO na tulungan ang pamilya ng mga biktima ng Dengvaxia sa paghahain ng kaso.
Dahil dito muling hinimok ng mga abogado at kawani ng PAO si Pangulong Duterte na gamitin ang veto power nito para i- veto ang probisyon sa 2020 National Budget na nagbabawal sa ahensya na gamitin ang kanilang MOOE budget para sa PAO forensics laboratory.
Ulat ni Moira Encina