Halos 200 qualified inmates sa Leyte Regional Prison nakapagparehistro para sa 2022 elections
Nagsagawa ng special satellite registration ang COMELEC para sa mga kwalipikadong persons deprived of liberty (PDLs) sa Leyte Regional Prison.
Ayon sa Bureau of Corrections, kabuuang 190 PDLs ng Leyte Regional Prison na kwalipikadong botante ang nakapagparehistro at kinuhanan ng biometrics data.
Ang mga nagparehistro ay ang mga inmates na ang kaso ay kasalukuyang iniapela sa mga hukuman.
Sinabi ng BuCor na alinsunod sa Saligang Batas may karapatang bumoto ang lahat ng mamamayan kabilang ang mga PDLs na walang pang pinal na hatol.
Ang registration ay pinangasiwaan ng mga tauhan ng COMELEC mula sa Abuyog, Leyte.
Bago ang mismong araw ng satellite registration, inihanda at nasagutan na ang mga registration forms kaya mas napabilis ang proseso.
Noong Hulyo ay nagpasa ang COMELEC ng resolusyon ukol sa mga panuntunan sa pagdaraos ng special satellite registration sa mga kulungan ngayong COVID-19 pandemic.
Moira Encina