Halos 30 milyon isinailalim sa lockdown sa China
Halos 30 milyong katao ang isinailalim sa lockdown sa magkabilang panig ng China ngayong Martes, habang ibinalik naman sa mga kalsada ang hazmat suited officials at ang mass testing bunsod ng pagdami ng virus cases na ang pagbugso ay hindi pa nangyari mula nang mag-umpisa ang pandemya.
Ang China ay nakapag-ulat ng 5,280 bagong mga kaso ng Covid-19 ngayong araw, higit sa doble ng naitala ng nakaraang araw, habang patuloy ang pagkalat ng lubhang nakahahawang Omicron variant.
Hindi bababa sa 13 mga lungsod sa buong bansa ang naka-fully locked down, habang ang iba’t-iba pang mga siyudad ay naka-partial lockdown naman.
Ang northeastern province ng Jilin ang pinakamalubhang tinamaan na may higit 3,000 bagong mga kaso ngayong Martes, ayon sa National Health Commission.
Ang mga residente naman ng ilang lungsod kabilang ang provincial capital ng Changchun — na tahanan ng siyam na milyong katao — ay isinailalim sa stay-at-home orders.
Ang Shenzhen — southern tech hub ng 17.5 milyong katao — ay tatlong araw na ila-lockdown kung saan maraming mga pabrika ang nagsara at nagkaubusan ng laman ang mga supermarket habang ang pinakalaking siyudad ng China na Shanghai ay isinailalim naman sa sala-salang mga paghihigpit, na kulang na lamang ay i-shutdown ang lungsod.
Ngayong Martes ang ika-anim na sunod na araw na higit isanglibong bagong mga kaso ang naitala.
Ayon kay Tommy Wu ng Oxford Economics . . . “The recent Covid outbreak and renewed restrictions, notably the lockdown in Shenzhen, will weigh on consumption and cause supply disruptions in the near term. It will be “challenging” for China to meet its official GDP growth target for the year of around 5.5 percent.”
Ang Hong Kong stocks ay bumagsak ng higit sa tatlong porsiyento ngayong Martes.
Lumitaw naman sa flight tracking data na dose-dosenang domestic flights sa mga paliparan sa Beijing at Shanghai ang kinansela rin ngayong araw.
Sinabi naman ng isang tagapagsalita, na ang isang outbreak sa Volkswagen Group factories sa Jilin city ng Changchun ay nagbunsod din sa shutdown ng tatlong sites nitong Lunes.
Isinara rin ng ilang siyudad kabilang na sa Shanghai ang ilang mga gusali at mga kapitbahayan, para mabawasan ang pagkagambala sa pang-araw-araw na buhay.
Sa isang emergency meeting kagabi ay nangako ang gobernador ng Jilin na gagawin ang lahat para maabot ang “community zero-Covid” sa loob ng isang linggo.
Nitong Lunes din ay binawalan ang mga residente ng Jilin, na nasa border sa North Korea, na bumiyahe palabas at sa palibot ng lalawigan.