Halos 3,000 PDLs sa CIW, nabakunahan na ng unang dose ng anti-COVID- 19 vaccines
Umaabot na sa halos 3,000 persons deprived of liberty (PDLs) mula sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City ang naturukan ng unang dose ng bakuna laban sa COVID-19.
Ayon sa Bureau of Corrections, kabuuang 2,688 PDLs sa CIW ang tumanggap ng unang dose ng anti-COVID vaccines noong August 18 at 19.
Bukod dito, nauna nang turukan ang 200 babaeng inmates noong Agosto 3 kaya 2,888 PDLs sa CIW ang partially vaccinated na laban sa sakit.
Kasama rin sa mga binakunahan noong Agosto 18 at 19 ang 11 kawani ng CIW.
Ang pagbabakuna at pag-monitor sa mga babaeng PDLs ay pinangunahan ng Mandaluyong City Health Department at volunteers mula sa Bureau of Fire Protection, City Risk Reduction Management Office, Emergency Medical System, at Bureau of Jail Management and Penology.
Tiniyak ng BuCor na magpapatuloy ang pagbabakuna laban sa COVID sa mga nakakulong sa CIW.
Moira Encina