Halos 40 milyong balota para sa halalan sa Mayo tapos nang maimprenta
Umaabot na sa halos 40 milyong balota para sa eleksyon sa Mayo ang tapos nang iimprenta.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, batay sa datos ng Printing Committee, kabuuang 38,347,754 balota ang naimprenta na as of March 19.
Katumbas anya ito ng higit 60% ng 63.66 milyong balotang kailangang para sa halalan sa Mayo.
Ang nalalabing balota na kailangang maimprenta ay para sa Regions 1, 2 at NCR.
Dahil dito, kampante ang Comelec na bago pa man sumapit ang Abril 25 na target date ng poll body ay matatapos na ang printing ng mga balota.
Tinatayang isang milyong balota kada araw ang natatapos na iimprenta ng National Printing Office.
Sinabi ni Jimenez na nasa 61.84 milyon ang rehistradong botante para sa May 13 elections.
Pero mahigit 1.1 milyong balota ang gagamitin para sa Final Testing and Sealing habang ang iba ay ilalaan para sa demonstration ballots sa vote-counting machine roadshow at iba pang demonstration purposes.
Ulat ni Moira Encina