Halos 400 biktima ng online sexual exploitations nasagip ng PICACC sa loob ng dalawang taon
Kabuuang 373 biktima ng online sexual exploitations ang nasagip ng Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICACC) dalawang taon matapos itong maitatag.
Ayon sa PICACC, mahigit sa kalahati ng mga biktima na na-rescue ay sa panahon ng pandemya.
Umaabot naman sa 84 na offenders ang naaresto sa loob ng dalawang taon ng ahensya.
Ito ay mula sa 118 operasyon na ikinasa ng NBI Anti-Human Trafficking Division (AHTRAD) at PNP Women and Children Protection Center (WCPC) kung saan 79 ay isinagawa ngayong COVID-19 crisis.
Inilunsad ang PICACC noong Pebrero 2019 ng PNP, NBI, Australian Federal Police, UK National Crime Agency, at International Justice Mission.
Sa ngayon, nadagdag na bagong miyembro nito ang National Police ng the Netherlands.
Layon ng PICACC na mapalakas ang international law enforcement collaboration para malabanan ang online sexual exploitation sa mga kabataan.
Moira Encina