Halos 4,000 kaso nadesisyunan ng SC ngayong 2023
Ipinagmalaki ng Korte Suprema na mas bumuti at mas bumilis ang resolusyon nito ngayong taon sa mga kasong isinampa sa Supreme Court.
Sinabi ni Chief Justice Alexander Gesmundo na umabot sa 3,711 ang naresolbang kaso nila sa Supreme Court ngayong 2023.
“Nag-improve ‘yung performance namin in terms of disposition and clearance rate compared to last year,” ani Gesmundo.
Katumbas aniya ito ng 84% clearance rate at 21% disposition rate na mas mataas kumpara sa 19% noong 2022.
Pagdating naman sa administrative at bar matters, aabot sa 2,729 ang naresolba ng SC ngayong taon na katumbas ng 29% disposition rate at 88% clearance rate.
Kumpiyansa ang punong mahistrado na sa 2024 ay mas bibilis pa ang pagresolba hindi lang ng SC kundi maging ng lower courts kapag naipatupad na ang technological innovations sa mga hukuman.]
“Magkakaroon tayo ng electronic case filing system. Hopefully we can deploy that by middle of next year,” pahayag ni Gesmundo.
Minamadali na rin aniya ng Judicial and Bar Council (JBC) ang pagproseso sa lahat ng bakanteng posisyon lalo na sa mga korte na may madaming hawak na kaso.
Naniniwala din ang chief justice na darating ang araw ay mangyayari ang one court, one judge para bumilis ang pag-usad ng mga kaso sa mga hukuman.
Moira Encina