Halos 50 internet service providers sa bansa pinagpapaliwanag ng NTC sa kabiguang magampanan ang kanilang tungkulin
Nag-isyu ang National Telecommunications Commission ng show cause orders sa halos 50 internet service providers o ISPs dahil sa kabiguan na maharang ang access sa child pornography materials.
Batay sa listahan ng DOJ, kabuuang 47 ISPs ang pinagpapaliwanag ng NTC dahil sa bigong magampanan ang kanilang tungkulin sa ilalim ng Section 9 ng RA 9775 o Anti- Child Pornography law.
Alinsunod sa batas, ang ISPs ay may tungkulin na abisuhan ang PNP o NBI na ginagamit ang kanilang servers o pasilidad para sa child pornography, magpreserba ng mga ebidensya para sa prosekusyon ng kaso, at mag-install ng teknolohiya para maharang ang access sa child pornography.
Una nang pinagtibay ng Malacañang ang mga rekomendasyon ng DOJ para matugunan ang dumaraming kaso ng online sexual exploitations sa mga menor de edad ngayong pandemya.
Isa sa mga naging rekomendasyon ay ang pagpataw ng parusa o sanctions sa mga ISPs na bigong malabanan ang online child pornography at exploitations.
Moira Encina