Halos 5k adverse effects matapos mabakunahan naitala
Umabot na sa humigit kumulang 5 libong adverse effects ang naitala kasunod ng nagpapatuloy na vaccination program ng gobyerno.
Ito ang kinumpirma ni Vaccine Czar Sec Carlito Galvez Jr. sa Kapihan sa Manila Bay News Forum ngayong nasa ikatlong linggo na ng vaccine roll out sa bansa.
Pero nilinaw ni Galvez na wala namang malalang adverse effects silang naitala.
Ang pinakakaraniwan aniya ay lagnat matapos bakunahan na normal naman sa mga nabakunahan.
Ayon kay Galvez sa ngayon ay nasa 240,297 na ang bilang ng healthcare workers na nabakunahan kontra COVID- 19.
Kahapon nasa 20,233 aniya ang kanilang nabakunahang medical frontliners.
Aminado si Galvez na binagalan nila ng kaunti ang proseso ng pagbabakuna para makitang mabuti ang mga adverse effects.
Sa ngayon ay nasa 100 na aniya o naideploy na nila ang lahat ng doses ng bakuna na dumating sa bansa.
Hinihintay nalang aniya nilang dumating ang 2.3 milyong doses pa ng bakuna na inaasahang darating ngayong Marso o unang linggo ng Abril.
Madz Moratillo