Halos 6,000 preso napalaya sa mga piitan ng BuCor ngayong taon
Kabuuang 5,917 persons deprived of liberty (PDLs) na ang napalaya ngayong taon mula sa mga kulungan ng Bureau of Corrections.
Kabilang dito ang 328 preso na lumaya nitong Lunes, Disyembre 19.
Mula sa nasabing bilang, 118 ay mula sa New Bilibid Prisons; 13 sa Correctional Institution for Women; 76 sa Davao Prison and Penal Farm; 28 sa Leyte Regional Prison; 24 sa San Ramon Prison and Penal Farm; 24 sa Sablayan Prison and Penal Farm; 44 sa Iwahig Prison and Penal Farm; at dalawa sa pasilidad ng BuCor sa Philippine Military Academy.
Karamihan naman sa mga lumaya na PDLs ay nag-expire na ang maximum sentence na may Good Conduct Time Allowance (GCTA) na 154 at ang mga preso na ginawaran ng parole na 129.
May dalawa ring naabsuwelto sa kasong kinakaharap.
Pinangunahan nina Justice Secretary Crispin Remulla, Public Attorney’s Office Chief Persida Rueda- Acosta, at BuCor OIC Gregorio Catapang Jr., ang seremonya.
Tiniyak ni Catapang na tuluy-tuloy ang reporma na ipinapatupad sa BuCor at may pag-asa at liwanag sa mga PDL.
Ipinangako rin ni PAO Chief Acosta na hindi na lang isang pangarap ang paglaya ng PDLs dahil magkakaroon ng katuparan sa mga susunod pang mga buwan ang clemency, pardons, at commutation of sentence.
Muli namang inihayag ni Remulla ang plano ng kagawaran na pag-regionalized sa corrections system para maging maayos ang pangangasiwa sa mga kulungan at mas mapalapit ang mga preso sa kanilang pamilya.
Moira Encina