Halos 95% imprastraktura sa Dinagat islands, winasak ng bagyong Odette
Halos nasa 90% hanggang 95% ang pinsalang tinamo ng Dinagat islands kasunod ng paghagupit ng bagyong Odette.
Sa isang panayam, sinabi ni Jeffrey Crisostomo, Public Information Chief ng Dinagat Islands, halos wala nang nakatayo o buo na bahay at gusali sa kanilang isla.
Matatandaang sa Dinagat islands nagkaroon ng ikalawang pag-landfall ang bagyo noong Huwebes matapos ang pagtama nito sa Siargao islands.
Itinulad pa ni Crisostomo sa washing machine ang nasaksihan nilang mabilis na pag-ikot ng mapaminsala at malalakas na bugso ng hangin habang kasagsagan ng pagtama ng bagyo sa isla.
Sa ngayon batay sa inisyal na ulat ay nasa 10 katao ang patay at patuloy pang kinukumpirma ang bilang ng mga sugatan at kung mayroong nawawala mula sa iba’t-ibang bayan.
Kasabay nito, nanawagan si Governor Arlene “Kaka” Bag-ao ng karagdagang tulong lalu na’t bagsak pa rin ang kanilang komunikasyon at power supply at halos ng bahay ay nagliparan ang mga bubong at marami ang tuluyang nawasak.
Winasak din aniya ng bagyo ang kaniyang bahay at opisina sa munisipyo pero nagagawa naman aniya ng Provincial Government at Task Force na makipag-ugnayan sa mga ahensiya ng gobyerno,private groups at media.
Sa initial assessment, sinabi ng Gobernadora, pangunahin nilang kailangan ay pagkain, potable water, temporary shelter, fuel, hygiene kits at medical supplies.