Halos apat na libong katao apektado ng aktibidad sa Taal – NDRRMC
Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na halos 4,000 katao ang naapektuhan ng volcanic activity ng Taal kamakailan.
Sa kanilang situational report nitong Lunes, nakapagtala ang NDRRMC ng 1,060 mga pamilya o 3,850 katao mula sa 14 barangays sa Batangas na naapektuhan.
Noong Sabado ay itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 3 ang Taal, na nagbababala na mayroong magmatic intrusion sa Main Crater nito na maaaring magdulot ng magkakasunod na pagsabog.
Bunsod ng pagtaas ng alert level, inirekomenda ng Phivolcs ang paglikas ng mga komunidad sa Batangas dahil sa posibleng panganib ng pyroclastic density currents — o mainit, mabilis na pagdaloy ng gas, abo at debris at volcanic tsunami kapag nangyari na ang mas malakas na pagsabog.
Ayon sa report ng NDRRMC, ang mga apektadong pamilya ay mula sa mga bayan ng Agoncillo, Laurel, San Luis, Taal, Calaca, Calatagan at Lemery.
Sa mga inilikas, 956 pamilya o 3,460 katao ang pansamantalang nanganganlong sa temporary shelter sa 16 na evacuation centers, habang ang 54 na iba pang mga pamilya o 201 katao ay nasa labas ng mga nabanggit na pasilidad.
Sa pinakahuling report ng Phivolcs kaninang ala-5:00 ng umaga, namamalaging nakataas ang Alert Level 3 sa Taal, na nangangahulugan ng intensified unrest o magmatic unrest.
Binigyang-diin ng Phivolcs bulletin, na hindi pinapayagan ang pagpasok sa Taal Volcano Island (Permanent Danger Zone o PDZ) at sa high-risk barangays ng Agoncillo at Laurel.
Ipinagbabawal din ang lahat ng aktibidad sa Taal Lake at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.