Halos P70-M humanitarian aid, ibibigay ng US sa mga lubhang apektado ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Mindanao
Aabot sa halos P70 milyong halaga ng tulong ang ipagkakaloob ng gobyerno ng Estados Unidos sa Pilipinas para sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa sa Mindanao.
Ayon sa U.S. Embassy, ang pondo na mula sa U.S. Agency for International Development (USAID) ay ilalaan para sa pagkain, shelter, sanitation at hygiene items sa mga apektadong komunidad sa Davao de Oro, Davao del Norte, at Davao City.
Makikipag-ugnayan din ang USAID sa mga lokal na organisasyon para matiyak na makarating ang mga humanitarian aid sa mga vulnerable na grupo gaya ng mga may kapansanan, matatanda, buntis, at indigeneous peoples.
Nagkaloob naman ang U.S. Department of Defense ng dalawang C-130 para umagapay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of Civil Defense OCD) at USAID sa paghatid ng 15,000 food packs sa mga apektadong pamilya.
Nakipagtulungan din ang USAID sa Department of Human Settlements and Urban Development at sa International Organization for Migration para sa emergency shelter sa mahigit 5,000 apektadong indibiduwal.
Moira Encina