Halos Php7-M halaga ng COVID-19 vaccine freezers at ICU beds, ipinagkaloob ng US military sa iba’t ibang ospital sa Mindanao
Umaabot sa Php6.9 milyong halaga ng ICU beds at cold storage units para sa COVID-19 vaccines ang ibinigay ng US military sa mga ospital sa Mindanao.
Sinabi ng US Embassy na ang turnover ng mga donasyon ay ginawa sa pitong seremonya sa mga pagamutan sa Pagadian City, Cotabato City, Sulu Province, Iligan City, at Tawi-Tawi sa pagitan ng October 2 hanggang November 10.
Ang mga medical supplies ay binubuo ng 13 cold storage units at 50 ICU beds.
Ang pinakahuli ay ang turnover sa Zamboanga del Sur Integrated Provincial Health Office sa Pagadian City ng anim na vaccine cold storage units.
May kakayanan ang mga vaccine freezers na makapagtago ng mahigit 120,000 doses ng bakuna.
Matatandaang naantala ang pagbabakuna sa lalawigan matapos na natupok ang halos 150,000 na doses ng COVID vaccines sa sunog sa Provincial Health Office ng Zamboanga del Sur noong Oktubre 31.
Nagpasalamat si Western Mindanao Command commanding general Maj. Gen. Alfredo Rosario Jr. sa donasyon ng US military sa mga remote hospitals partikular sa Cotabato, Sulu, at Tawi-Tawi.
Aniya vital component sa patuloy na laban sa COVID ang mga donasyong hospital beds at vaccines cold storage units.
Sa ngayon ay halos Php1 bilyong na ang halaga ng suporta ng US government sa COVID response ng Pilipinas.
Moira Encina