Hanggang saan aabot ang isang libong ayuda?
Hello mga kapitbahay! Sabi sa balita sa loob ng linggong ito maipagkakaloob na ang isanlibong pisong ayuda ng gobyerno para sa mga mahihirap na kababayan natin na nasa ilalim ngayon ng ECQ, kabilang dito ang Metro Manila, Rizal, Bulacan, Cavite at Laguna.
Isanlibong piso sa bawat indibidwal subalit kung lima kayo sa pamilya, apat lamang ang mabibigyan o hanggang apat na libong piso lamang. Sino ang mabibigyan ng ayuda? Ayon sa news item ng radyoagila.com.
Ito ay para sa mga kwalipikadong indibidwal na taga Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna na naka ECQ.
Ang mabebenipisyuhan ay yung nasa validated list ng Social Amelioration Program o SAP sa ilalim ng Bayanihan 1 at mga karagdagang beneficiaries, mga kasama sa vulnerable sector (mga mabababa ang kita na namumuhay na mag-isa), PWDs, solo parents at iba pa na matutukoy ng LGU na lubos na naapektuhan ng ECQ kung kakayanin ng pondo.
So, mga kapitbahay, pag-usapan natin, kung ikaw ay kwalipikadong benipisyaryo, hanggang saan kaya makakarating ang isang libong ayuda? Ang metro mayor’s mas gusto nila cash na ang ibigay. Hanggang saan aabot ang 1k na ayuda? Depende sa magiging prayoridad mo abay.
Sa totoo lang ‘yung apat na napagtanungan kong pamilya ang mga naging sagot nila ay ipambibili ng pagkain, ‘yung iba pambili ng gamot, ipambabayad daw sa utang, ibabayad sa kuryente at tubig, ipambibili ng gatas at diaper ng anak, itutulong din sa mga kamag anak na mas nangangailangan.
Kung sa pagkain, bigas (10 kl X P 40); itlog (180/tray); asukal (45/kl washed); mantika P85/liter ; kape na 3 in1 P75/10pcs; sardinas (5 pcs ,17×5) P85; noodles 10 pcs, P80; kung susumahin ang presyo ng mga produktong iyo ay mahigit na sa 900 pesos, ang sukli ay pambili ng asin at suka.
Kung pang diaper at gatas naman, sasapat na ang isanlibo basta hindi yung mamahalin na formula milk ang bibilhin mo samantalang kung gamot na pang maintenance naman ay depende sa mga sakit na taglay mo, at generics para makamura ka.
Biruin mo, ni wala akong inilagay na pambili ng ulam, manok, gulay, isda kahit hindi na muna ang baboy o karne dahil isang kilo nito ay katumbas na halos ng sampung kilong bigas.
Hay naku! sumakit ang ulo ko sa pagkwenta at pagbabadyet, lalo pa nga’t limitado ang pera.
Magkagayunman, ipagpasalamat pa rin natin kung tayo ay mabibigyan kaysa sa wala. Kaya nga, dapat na gamitin natin ang ayuda sa kani-kaniyang kaukulan. Dito papasok kung gaano kahusay si mister o misis sa pagbabadyet.
Ikaw ba kapitbahay ay mabibigyan ng ayuda?