Harnaaz Sandhu ng India, kinoronahan bilang Miss Universe 2021
Dinaig ng Miss India na si Harnaaz Sandhu ang 79 na iba pang mga kandidata, matapos siyang koronahan bilang Miss Universe 2021 sa patimpalak na ginanap sa Israel nitong Linggo (Dec.12), Lunes (Dec.13) sa Pilipinas.
Ang 21-anyos na model at aktres ay nanalo dahil sa kaniyang sagot sa tanong na . . . “What advice would you give to young women watching on how to deal with the pressures they face today?” na siya ring itinanong sa 2 pang Miss Universe candidates na nakapasok sa top three, si Lalela Mswane ng South Africa at Nadia Ferreira ng Paraguay.
Sa kaniyang sagot ay pinayuhan ni Sandhu ang mga kabataan sa buong mundo na maniwala sa kanilang sarili at itigil na ang pagkukumpara ng sarili sa ibang tao.
Aniya . . . “Well, I think the biggest pressure the youth is facing today is to believe in themselves. To know that you are unique and that’s what makes you beautiful. Stop comparing yourselves with others and let’s talk about more important things that’s happening worldwide. I think this is what you need to understand. Come out. Speak for yourself because you are the leader of your life, you are the voice of your own. I believe in myself and that’s why I’m standing here today.”
Samantala, itinanghal bilang 2nd runner-up ang 24-anyos na kandidata ng South Africa na si Mswane na isang law graduate at model, habang 1st runner-up naman ang 22-anyos na kinatawan ng Paraguay na si Ferreira na isang professional model.
Nakapasok sa top 5 ang kandidata ng Pilipinas na si Beatrice Luigi Gomez, ngunit nabigong umabante sa top three.
Kasama ni Gomez na nakapasok din sa top 5 ang kandidata ng Colombia na si Valeria Maria Ayos Bossa.
Walompung naggagandahang dilag ang lumahok sa patimpalak na ginanap sa Eilat City sa Israel.
Ang ika-70 edisyon ng taunang beauty pageant na ginanap sa Israel sa unang pagkakataon, ay naharap sa maraming mga komplikasyon sanhi ng pandemya ng Covid-19 at ilang usaping pulitikal.
Ilan sa mga kandidata na nag-tour sa iba’t-ibang lugar sa Israel ang nakaranas din ng kritisismo dahil sa kanila umanong “cultural insensitivity.”
Sa isang panayam sa Jerusalem, ay sinabi ni Miss Universe 2020 Andrea Meza ng Mexico na hindi dapat mahaluan ng pulitika ang patimpalak.
Aniya . . . “Miss Universe isn’t a political movement, nor a religious one. It’s about women and what they can offer.” (AFP)