Hatol ng hukuman sa Maguindanao massacre case ikinatuwa ng Malakanyang

Ikinatuwa ng Malakanyang ang naging hatol ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis Reyes sa madugong Maguindanao massacre na tumagal ng isang dekada.

Sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na ngayong naibaba na ang hatol ng hukuman ay nakamit narin ang hustisiya sa panig ng mga biktima at sa mga akusado.

Ayon kay Panelo maaring magamit ng mga akusadong nahatulan ng guilty ang legal remedy para umapela sa mataas na hukuman at sa mga akusadong napawalang sala ay nakamit narin nila ang hustisya.

Inihayag ni Panelo na hindi papayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na umiral sa bansa ang kultura ng pagpatay sa mga inosenteng mamamayan

Binigyang diin din ni Panelo na itinataguyod ng Duterte administration ang pagbibigay proteksyon sa press freedom sa bansa.

Niliwanag ni Panelo na mismong si Pangulong Duterte ang bumuo ng Presidential Task Force on Media Security na pinamumunuan ni undersecretary Joel Egco.

Kaugnay nito pinuri ng Malakanyang ang mga Prosecutors ng Department of Justice na tumutok sa pag-uusig sa mga akusado sa Maguindanao massacre na pumatay ng 58 biktima na kinabibilangan ng 32 mga mamahayag noong November 23 2009.

Naniniwala naman si Panelo na aabot pa sa Korte Suprema ang kaso bago maging pinal ang hatol sa mga salarin.

Ulat ni Vic Somintac

 




 
.
 




 




 




 

Please follow and like us: