Hatol ng Korte kaugnay ng Maguindanao massacre, isa sa mga makasaysayang pangyayaring maiuukit sa ilalim ng Duterte Administration – Malakanyang
Magiging bahagi na sa kasaysayan ng Duterte Administration ang pinakahihintay na hatol ng hukuman sa mga personalidad na sangkot sa malagim na Maguindanao massacre.
Ito ang sinabi ni Presidential Task Force on Media Security Executive Director Undersecretary Joel Egco na isa sa mga sumubaybay mula umpisa hanggang sa pagtatapos ng paglilitis ng tinaguriang trial of the century.
Ayon kay Egco, kumbinsido siyang may kinalaman ang political will ng kasalukuyang pamahalaan para sa wakas ay masaksihan na ng publiko ang magiging lundo ng nabanggit na kasong inabot na ng dekada sa pagdinig.
Sinabi ni Egco na magiging parte na ng Duterte Legacy ang magiging paghatol ng hukuman sa araw ng bukas.
Kaugnay nitoy kumpiyansa si Egco na makakamit ng naiwang pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre ang inaasam asam na hustisya na naging mailap sa nakalipas na isang dekada.
Isang daan at siyamnaput pito ang mga akusado, 58 ang biktima, 32 ay mga Journalist sa malagim na pagpatay ang nakatakdang basahan ng hatol bukas sa Camp Bagong Diwa sa Taguig ni Judge Jocelyn Solis Reyes.
Ulat ni Vic Somintac