Health advocates, masidhi ang panawagan kay Pangulong Duterte na lagdaan na ang executive order s smoking ban
Masidhi ang panawagan ng mga health advocates kay Pangulong Rodrigo Duterte na lagdaan na ang Executive Order on Nationwide Smoking Ban Campaign.
Ayon kay New Vois Association of the Philippines o NVAP President Engr. Emer Rojas, mas mahabang paghihintay na mapirmahan ang naturang E.O., mas mataas ang panganib para sa mga Pilipino na dapuan ng cancer at iba pang lifestyle-borne diseases.
Si Rojas ay nawalan ng boses dahil siya ay dinapuan ng laryngeal cancer.
Sinabi naman ni Dr. Ulysses Dorotheo, Program Director of Southeast Asia Tobacco Control Alliance o SEATCA, nagtataglay ang sigarilyo ng pitong libong chemicals at 70 carcinogens na nagdudulot ng cancer at isang carcinogen lang ang kailangan upang dapuan ng cancer ang isang tao.
Binigyang diin ni Dorotheo na napakahalagang mapirmahan na agad ang nabanggit na E.O. sa kaligtasan ng maraming Pilipino.
Sa panig naman ni Atty. Jim Asturias, legal consultant mula sa Health Justice Philippines, ang agarang implementasyon ng E.O. ay makapagpoprotekta sa mga batang mag aaral mula sa second hand smoke dahil sakop ng ban ang paninigarilyo na malapit sa mga paaralan at shopping malls.
Sinabi naman ni Osang Palma ng Matinik Women’s Organization na ang smoking ban ay makapagliligtas ng maraming sanggol na hindi pa naipanganganak dahil maiiwasan ang birth defects at infant death syndrome, na maaaring makapagpahinto sa isang nanay na naninigarilyo.
Dagdag pa ni Dorotheo na ang smoke free environment ay suportado ng kahit na sino at walang magsasabi na hindi ito maganda.
Ulat ni: Anabelle Surara