Health expert Nangangamba sa pagkalat pa ng COVID-19 virus kung matutuloy ang face to face class ng mga estudyante
Nangangamba ang ilang health expert sa posibilidad ng pagkalat pa ng COVID-19 kung matutuloy ang face to face class ng mga estudyante.
Paliwanag ni Dr. Anna Ong Lim, presidente ng Pediatric Infectious Diseases Society of the Philippines at miyembro ng Technical Advisory Group ng Department of Health, sa pagpasok ng mga bata sa eskwelahan ay kasama rin nila ang kanilang mga magulang o lolo at lola para ihatid sila sa paaralan.
Ibig sabihin mas madadagdagan ang bilang ng mga lalabas ng bahay na posibleng makadagdag sa posibilidad ng pagtaas ng panganib ng hawahan ng virus.
Bukod rito, kahit na sa eskwelahan ay wala rin naman aniyang kasiguruhan na hindi magkakaroon ng hawahan ng COVID-19.
Dagdag pa ni Ong, masyado pang maaga para sabihin na mas madaling mahawa ng virus sa bahay ang mga bata kaysa eskwelahan.
Ipinaalala ni Ong na sa pagsisimula ng pandemya ay napagdesisyunang suspendihin ang klase at isara ang mga eskwelahan dahil sa transmission ng virus sa mga komunidad.
Madz Moratillo