Health protocol para sa mga Pinoy balikbayan, mananatiling mahigpit dahil sa mga bagong variant ng Covid-19 na nakapasok sa bansa
Babantayang mabuti ng Health at Immigration authorities ang mga returning Overseas Filipino.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, nananatili ang ipinatutupad na Health protocol sa mga point of entry ng bansa partikular sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Roque batay sa Inter Agency Task Force (IATF) resolution, lahat ng mga pinahihintulutang inbound passenger galing ng ibang bansa ay kinakailangang mag-quarantine muna ng anim na araw sa itinalagang hotel at isasailalim sa RT PCR Swab test.
Inihayag ni Roque kung negatibo ang resulta ng swab test ng isang Pinoy balikbayan ay pauuwiin na ito samantalang kung positibo naman ay agad na dadalhin sa nakatalagang Isolation facility at gagamutin.
Niliwanag ni Roque na mananatiling nakaalerto ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para makontrol ang pagkalat ng South African at United Kingdom variant ng COVID 19 na nakapasok na sa bansa.
Vic Somintac