Health Secretary Duque, hindi kasama sa mga iniimbestigahan ng PACC sa mga umano’y anumalya sa Philhealth
Aminado si Presidential Anti-Crime Commission commissioner Manuelito Luna na hindi pa kasama si Health secretary Francisco Duque III sa mga iniimbistigahan nila kaugnay sa umano’y anomalya sa Philhealth.
Sinabi ni Luna na bilang chairman ng Philhealth ay minimal lang naman ang papel na ginagampanan ni Duque sa ahensya.
Pero nilinaw ng PACC Commissioner na malawak naman ang saklaw ng kanilang ginagawang imbestigasyon at sa ngayon ay hindi pa ito umaabot kay Duque dahil wala namang ebidensya na mag-uugnay sa kanya rito.
Una ng isiniwalat ni Senador Panfilo Lacson ang pag-upa ng Philhealth sa Region 1 na gusaling pag-aari ng pamilya ni Duque at patuloy na pagsali ng kanilang Pharmaceutical company sa mga bidding sa pamahalaan na para sa Senador ay kwestyunable dahil sa posisyon ng kalihim sa gobyerno.
Pero giit ni Duque na walang conflict of interest dito dahil deklarado naman sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Networth ang nasabing gusali sa Pangasinan.
Sa katapusan ng Disyembre ng taong ito ay matatapos na rin umano ang kontrata ng Philhealth sa nasabing gusali na pag-aari ng pamilya Duque.
Bukas nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang Senado kaugnay sa mga alegasyon laban kay Duque.
Ulat ni Madz Moratillo