Health Secretary Duque iginiit na dapat maabot muna ang 80% vaccination coverage sa A2 at A3 bago magbaba ng alert level
Hindi maaaring ibaba sa Alert level 1 ang isang lugar kung wala pa sa 80% ng mga Senior citizen at person with commorbidity nito ang bakunado na kontra COVID-19.
Ito ang iginiit ni Health Sec. Francisco Duque III sa gitna na rin ng panawagang maibaba na sa Alert level 1 ang Metro Manila.
Batay sa datos ng Department of Health, sa 9.2 milyong senior citizen na target mabakunahan sa bansa ay nasa 6.2 milyon palang ang fully vaccinated habang 1.5 milyon naman ang may Booster dose.
Para naman sa A3 o persons with commorbidities, nasa 9 na milyon na ang fully vaccinated habang 1.6 milyon naman ang nagpa booster na.
Ang Department of Interior and Local Government, iginiit naman na dapat pag-isipan munang mabuti ang pagbaba sa alert level 1 lalo at malapit na rin ang pagsisimula ng campaign period para sa local candidates.
Ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya, suportado rin nila ang mga mungkahing mapataas muna ang vaccination coverage sa A2 at A3.
Inihalimbawa pa nito ang nangyari sa Hong Kong na nakakaranas ngayon ng Omicron surge.
Hinikayat rin nito ang iba pang establisyimento na mag-apply ng safety seal bilang paghahanda sa de-escalation ng alert level.
Sa Metro Manila, may 37 lugar nalang aniya ang naka granular lockdown at ito ay nasa lungsod ng Maynila habang sa kabuuan ng bansa ay may 343 lugar pa ang may umiiral na granular lockdown.
Ayon sa DOH, sa ngayon ay nananatiling nasa low risk classification na ang Pilipinas.
Bagamat ang average daily attack rate ay nasa moderate risk, lahat naman ng rehiyon sa bansa, mas mababa na sa 1,000 ang naitatalang kaso kada araw maliban sa Cordillera Administrative Region at Davao Region.
Nasa low risk na rin aniya ang health care utilization rate ng bansa ngayon maliban sa Davao region na ang ICU occupancy rate ay nasa moderate risk o 58% pa.
Madz Moratillo