Health Secretary Duque, pinagre-resign din ni Senador Lacson dahil sa anomalya sa Philhealth
Pinagbibitiw rin sa puwesto ni Senador Panfilo Lacson si Health secretary Francisco Duque matapos ang anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).
Ayon kay Lacson, si Duque ay nadawit na rin sa anomalya sa Philhealth labinlimang taon na ang nakalilipas.
Katunayan noong Pangulo ito ng Philhealth, iligal umanong nagamit ang 500 million na pondo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pagbili ng Philhealth cards.
Ang cards ay aniya ay ipinamahagi noong panahon ni Pangulong Gloria Arroyo na may acronym pa na GMA o Greater Medical Access .
Si Duque ang naging Philhealth President mula 2001 hanggang 2004 sa panahon ni dating Pangulong Arroyo.
Sabi ni Lacson, hindi lang ang mga kasalukuyang opisyal ng Philhealth ang dapat tanggalin at dapat ganito rin ang standards na ipatupad sa Chairman of the Board na kalihim ngayon ng DOH.
Hindi aniya dapat selective justice ang ipatupad ng Malacañang dahil sa pagkawala ng benepisyo at medical assistance ng milyun-milyong Filipino.
Ulat ni Meanne Corvera