Heat Stroke, pinakamapanganib na Heat-related illnesses na dapat bantayan ngayong tag-init
Nararanasan ang matinding init ng panahon kaya agad na nagbabala ang Department of Health sa ilang related illnesses na maaaring maranasan ngayong tag init.
Kabilang dito ang sore eyes, tigdas, sakit sa balat, heat exhaustion at heat stroke.
Sa panayam ng programang Health Watch kay Professor Loyda Amor Cajucom ng University of the Philippines-Open University, sinabi niya na sa mga nabanggit na heat related illnesses, heat stroke ang pinakamapanganib kung kaya dapat ito ay bantayan.
Ayon kay Cajucom, ang heat stroke ay ikinukunsiderang isang Medical emergency, dahil ito ay maaaring maging sanhi ng pagkasawi ng pasyente o kaya ay magdulot ng pinsala sa utak at iba pang bahagi ng katawan ng tao.
Binigyang-diin ni Cajucom na ang Dehydration ay isa sa mga sanhi ng heat stroke kung kaya mainam na ngayong tag init ay dalasan ang pag-inom ng tubig kahit hindi nauuhaw.
Bukod dito, sinabi ni Cajucom na kapag ang katawan ay kulang sa potassium, calcium, magnesium at sodium maaaring maranasan ang stroke.
Kaya mainam na palakain ng gulay at prutas dahil ito ay sagana sa mga nabanggit na electrolytes na kailangan ng katawan.
Ayon pa kay Cajucom, ilan sa sintomas ng heat stroke ay pagkahilo at panghihina, kawalan ng pawis kahit na mainit, mapula at tuyong balat, at pagsusuka.
Payo ni Cajucom upang ito ay maiwasan, magsuot ng maluwag at light colors na damit.
Limitahan ang pag-inom ng mga sagana sa caffeine sa halip ay dagdagan ang pag-inom ng tubig.
Kung lalabas ng tahanan ay magdala ng anumang pananggalang sa init tulad ng payong o sombrero.
Belle Surara