Heavy Rainfall Warning sa Metro Manila at karatig probinsiya
Nagpalabas ng Heavy Rainfall Warning ang DOST-PAGASA para sa Metro Manila at mga kalapit probinsiya.
Sa heavy rainfall advisory na ipinalabas ganap na 5:00AM, nasa Yellow Warning ang Metro Manila, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan at Cavite.
Nangangahulugan ito ng mga pag-ulan na posibleng maging dahilan ng pagbaha sa mga lugar na mababa o malapit sa mga ilog at posible rin ang pagguho ng lupa.
Ang malakas na pag-ulan ay sanhi pa rin ng Habagat na pinalalakas ng Bagyong Fabian na nasa loob pa rin ng Philippine Area of Responsibility, 510 km Northeast ng Itbayat, Batanes (23.8°N, 125.6°E) na may maximum sustained winds na 150 km/h hanggang 185 km/h.
Nakataas pa rin ang Signal #01 sa Batanes at Babuyan Islands.
Tatahakin ng bagyo ang direksyong pahilagang-kanluran sa susunod na 72 oras patungo sa katimugang bahagi ng Ryukyu Islands at sa silangang bahagi ng mainland China, at inaasahang tatama sa Miyako, Yaeyama, at Senkaku Islands sa Japan ngayong gabi. Lalabas ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong gabi hanggang bukas (Hulyo 24) ng umaga.