Heinous crime convicts kuwalipikado sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) –SC
Maaari pa ring makinabang sa benepisyo ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ang mga nahatulan sa mga karumal-dumal na krimen.
Ayon sa ruling ng Korte Suprema, hindi balido ang inisyung implementing rules and regulations ng DOJ noong 2019 kung saan hindi isinama ang mga taong nahatulan sa heinous crimes sa mga benepisyo ng bagong GCTA law o RA 10592.
Sinabi ng Supreme Court na ang nasabing probisyon sa IRR ay katumbas ng pagpapalawig sa saklaw ng GCTA law.
Inihayag pa ng Korte Suprema na lumagpas ang DOJ sa kapangyarihan nito nang isantabi ang heinous crime convicts sa mga benepisyaryo ng GCTA.
Katuwiran ng SC, malinaw sa Article 97 ng Revised Penal Code (RPC) na inamyendahan ng RA 10592 na ang sinumang convicted na bilanggo ay may karapatan sa GCTA hanggang ang nasabing preso ay nasa alinmang piitan o lokal na kulungan.
Alinsunod sa mga patakaran ng GCTA, maaaring mabawasan ang haba ng sentensiya ng inmates kapag nagpakita ito ng kagandahang asal sa loob ng kulungan.
Moira Encina