Helicopter na pag-aari umano ni Cong. Teves, kinumpiska ng NBI
Hawak na ng mga otoridad ang helicopter na pagmamay-ari umano ni suspended Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. na pinaniniwalaang ginamit sa pagtakas ng mga suspek sa Degamo murder.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, nakumpiska ng mga tauhan ng NBI ang helicopter mula sa hangar sa Dumaguete City sa bisa ng warrant na inisyu ng korte.
Sinabi ng kalihim na wala nang mga nakasulat o tatak sa helicopter nang madatnan ng mga otoridad.
Dadalhin naman aniya sa Cebu ang helicopter para doon ikustodiya.
Dahil sa nasabing helicopter, mas nakumbinsi umano si Remulla na sangkot si Teves sa pagpatay kay Governor Roel Degamo.
Dagdag pa ng kalihim, may mga checkpoint sa probinsya kaya hindi na makakadaan doon ang mga salarin at tanging sa himpapawid lamang ang paraan upang makalabas ng lalawigan.
Moira Encina