Hepe at iba pang prison guards sa Maximum Security Compound ng NBP, sinibak matapos makatakas ang apat na inmates
Tinanggal na sa puwesto ang hepe ng Maximum Security Compound at mga duty na prison guards matapos na makatakas ang apat na convicted PDLs mula sa New Bilibid Prison.
Sa panayam ng programang ASPN, sinabi ni Bureau of Corrections Spokesperson Gabriel Chaclag na iniutos ni Director General Gerald Bantag na palitan ang mga nasabing opisyal at tauhan dahil sa command responsibility.
Partikular sa sinibak si CT/SUPT. Arnold Jacinto Guzman bilang acting superintendent ng MaxSeCom, ang Commander of the Guards, at duty guards sa gate ng NBP.
Si Guzman ay pinalitan ni C/SUPT. Roy Villasi bilang hepe ng MaxSeCom.
Ayon kay Chaclag, on-going pa rin ang imbestigasyon kung bakit nakatakas ang apat na convicted PDLs.
Napatay ang dalawa sa apat pero at-large pa rin ang dalawang iba pa.
Nagsagawa agad ang BuCor ng ocular inspection, security assessment at reenactment matapos ang insidente noong Lunes.
Sa ngayon ay hindi pa masabi ng opisyal kung may kasabwat na prison guards ang mga tumakas.
Inihayag ng opisyal na patuloy na tinutugis ng mga alagad ng batas ang dalawang pugante na sina Drakilou Falcon at Chris Ablas.
Aniya maraming leads sila na sinusundan ukol sa dalawa.
Umaasa ang BuCor na mahuhuli ang mga PDLs at mareresolba ang isyu sa lalong madaling panahon.
Kaugnay nito, muling nanawagan ang kawanihan sa lehislatura na ipasa na ang mga panukalang batas na maglalagay sa mga heinous crime offenders sa hiwalay na high-security facility sa labas ng NCR.
Mahalaga aniya na maihiwalay mula sa general prison population na may pag-asa pang magbago at nais na makalaya ang mga heinous crime offenders.
Sobrang luma na rin aniya ng istruktura sa Bilibid kaya naitatago ang mga armas.
Noong Miyerkules lang aniya ay may nakumpiska sila na mahigit 20 baril mula sa mga sinira nilang pader sa NBP.
Moira Encina