Hepe ng NBI Legal Assistance Section at kapatid nito na Immigration officer, inaresto ng NBI kaugnay sa Pastillas scheme
Kinumpirma ng NBI na inaresto nito ang mismong hepe ng Legal Assistance Section ng kawanihan at ang kapatid nito na Immigration Officer.
Kinilala ni NBI Deputy Director at Spokesperson Ferdinand Lavin ang mga inaresto na sina Atty. Joshua Paul Capiral at kapatid nito na si Christopher Capiral.
Hinuli ang magkapatid dahil sa paratang na manipulasyon at pangingikil sa isinagawang imbestigasyon ng NBI sa Pastillas scheme sa Bureau of Immigration.
Batay sa alegasyon, nagkuntsabahan ang magkapatid at tumanggap ng suhol mula sa mga tauhan ng BI na sangkot sa Pastillas scam kapalit ng hindi pagsama sa pangalan nila sa mga inireklamo.
Sinasabing may kapangyarihan si Atty. Capiral sa kung sinu-sino ang inirekomendang sampahan ng reklamo dahil sa pagiging hepe nito ng NBI Legal Assistance Section.
Una nang pinaimbestigahan ng DOJ sa NBI ang Pastillas scheme na nagresulta sa pagsasampa ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban sa 19 na Immigration officials at employees.
Kaugnay nito, inihayag ni Justice Undersecretary at Spokesman Markk Perete na posibleng muling imbestigahan ang isyu kung mayroong ebidensya na nakompromiso ang naunang imbestigasyon ng NBI.
Sinabi ni Perete na sinusubaybayan nila ang pagdinig sa Senado para pag-aralan kung kinakailangan pa ng karagdagang imbestigasyon.
Moira Encina