Hepe ng PNP Drug Enforcement Group, sinibak sa puwesto
Tinanggal ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. bilang hepe ng Police Drug Enforcement Group (PDEG) si Police Brig. Gen. Narciso Domingo.
Pinalitan siya ni Police Brig. Gen. Faro Antonio Olaguera na galing sa PNP Logistics Service.
Sa re-assignment order na pirmado ni Police Major Gen. Robert Rodriguez, director for Personnel and Records Management, inilipat si Domingo sa Office of the Chief PNP.
Epektibo ang palitan sa puwesto nitong Miyerkules, April 12, 2023.
Si Domingo ay kasama sa 10 opisyal na pinangalanan ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na nakuhanan ng CCTV at inakusahang sangkot sa tangkang cover-up sa pagkakasabat sa 6.7 bilyong pisong halaga ng shabu sa Tondo, Maynila noong Oktubre ng nakaraang taon.
Una nang itinanggi ni Domingo ang alegasyon at iginiit na malinis ang kaniyang konsensya, kasabay ng pagsasabing may clearance ni Gen. Azurin ang operasyon.
Noong Lunes ay naghain ng kaniyang leave of absence si Domingo para bigyang-daan ang imbestigasyon.
Kinumpirma ni Domingo na natanggap na niya ang order at ayos lang sa kanya ang naganap na palitan ng puwesto.
Mar Gabriel