Hepe ng QCPD naniniwalang susunod ang mga raliyista sa pangakong mapayapang rally
Naniniwala si Quezon City Police District Director General Guillermo Eleazar na hindi gagawa ng gulo ang mga grupong magsasagawa ng kilos protesta sa inaabangang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng Radyo Agila sinabi ni Eleazar na base sa kanilang naging pakikipag-usap sa mga raliyista nangako ang mga ito na magiging maayos ang kanilang gagawing pagkilos.
Gayunman hindi magdadalawang isip ang mga police personnel na hulihin ang sinumang lalabag sa batas .
“Kaya nga mayroon tayong pag-uusap upang maremind ang ating mga kababayan na magpoprotesta na naroon ang ating maximum tolerance subalit kung sila ay susuway at may makitang violation sa ating batas kasama sa aming mandato …dahil mayroon tayong mga arresting officer na aaresto sa mga lalabag. ngunit hindi namin inaasahan na magkakaroon ng gulo dahil nangako naman sila na susunod sila sa batas”. – QCPD Director Eleazar
Bagamat walang barbed wire at mga nakaharang na container van tulad ng nagdaang SONA tiniyak ni Eleazar na mahigpit nilang ipapatupad ang maximum tolerance laban sa mga rallytista.
Dagdag pa ni Eleazar , mahigit sa anim na libong miyembro ng PNP Crowd Dispersal Management Team ang kanilang inilatag para magbantay sa SONA ng Pangulo.
Ulat ni: Marinell Ochoa