Hermitage cats ng Russia, pinamanahan ng isang French doctor

File photo shows a cat in front of the State Hermitage Museum in Saint Petersburg.
PHOTO: AFP

SAINT PETERSBURG, Russia (AFP) – Pinamanahan ng isang French doctor ng 3,000 euros ang mga pusang naninirahan sa basement ng Hermitage museum, isang sikat at kilalang art gallery sa Saint Petersburg sa Russia.

Ayon sa museum press service, ang salapi ay iniwan ng French doctor na si Christophe Batard, na namatay sa edad na 51.

Ikinatuwa naman ito ng Hermitage director na si Mikhail Piotrovsky at nagpasalamat sa aniya’y “friendly gesture” ng manggagamot.

Nais ng doktor na gamitin ang iniwan niyang pera sa pagsasa-ayos sa basement na tinitirhan ng mga pusa.

Ang kasaysayan ng Hermitage cats ay nagmula pa noong 18th century, noong ang museum na noon ay tinatawag pang Winter Palace, ay isang imperial residence sa dating kapitolyo ng Russia.

Noong 1745, ay ipinag-utos ni Empress Elizabeth I, anak na babae ng founder ng Saint Petersburg na si Emperor Peter the Great, na magdala ng mga pusa sa palasyo na noon ay nakararanas ng rat infestation.

Sa kasalukuyan, ang Hermitage ay tahanan na ng halos 70 mga pusa, na naging opisyal na “rat hunters” sa ilalim ng pinakamalaking musem sa Russia.

Ayon sa isang staff sa Hermitage, sa nakalipas na mga dekada, ang mga daga ay naging kasing popular na rin ng mga koleksyon sa museo.

Ang Hermitage ay nagsasagawa ng isang annual party para sa mga pusa, at mayroon ding website para sa mga taga St. Peterburg na nagnanais umampon ng isa sa rat hunters.

© Agence France-Presse

Please follow and like us: