Hidwaan sa PDP-Laban patuloy ; iba pang partido pulitikal sa bansa nakikipag-alyansa na para sa 2022 Election
Habang naggigirian ang ruling party na PDP-Laban, tuloy naman ang pagpapalabas at pakikipag-alyansa ng iba pang political party para paghandaan ang papalapit na eleksyon sa Mayo 2022.
Ang Nationalist People’s Coalition (NPC) na pinamumunuan ni Senate President Vicente Sotto, nakipagpulong na sa mga miyembro ng Aksyon demokratiko ang partido na kinabibilangan ng pamangkin ni Sotto na si Pasig city Mayor Vico Sotto.
Dumalo sa meeting sina Senator Ping Lacson, Aksyon Demokratiko Sec. Gen. Ernest Ramel, Jr., Atty. Goyo Larrazabal, dating secretary Ronald Llamas, Mayor Vico Sotto, dating , Congressman Tony Aquino at Mayor Andres Lacson ng Concepcion, Tarlac.
Sinabi ni Sotto na kinokonsulta niya na ang mga miyembro ng NPC para sa posibleng alyansa sa naturang partido at maaaring makabuo ng pasya bago matapos ang Hulyo.
Magsasagawa aniya ang NPC ng general assembly sa July 29 at posibleng dito rin makabuo ng pasya kung itutuloy niya ang planong tapatan si Pangulong Duterte sa Vice presidential race sa mayo.
Nauna nang sinabi ni Sotto na kung magdedesisyon siyang sumabak sa mas mataas na posisyon sa gobyerno, si Lacson ang kukunin niyang running mate na tumakbo sa pagkapangulo.
Ang pangulo ang nangunguna sa Vice presidential survey sa huling survey ng Pulse Asia pero para kay Sotto, hindi pa ito ang sentimyento ng 100 porsyento ng mga botante.
Naniniwala rin ang oposisyon na pagkakaisa pa rin ng partido ang magpapanalo sa sinumang kandidato.
Sinabi ni Senator Francis Pangilinan na pangulo ng Liberal party, hindi batayan ang survey para manalo at nasubukan na aniya ito sa mga nagdaang eleksyon.
Mahalaga rin aniya na magkaisa para suportahan ang isang kandidato na makapagbibigay ng mas maayos na COVID response at pagkain sa mga ordinaryong pilipino.
Meanne Corvera