High-profile na Korean scammer, arestado ng Bureau of Immigration
Arestado ng Bureau of Immigration sa Paranaque City ang isang Korean scammer na wanted sa hindi bababa sa apatnapung krimen sa Korea.
Kinilala ang dayuhan na si Lim Kong Jeon, trentay -tres anyos na natimbog sa isang condominium sa Sucat, Paranaque City.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, si Lim ay nasa Interpol notice at isa sa mga most wanted na kriminal sa Korea dahil sa dami ng bilang ng mga nabiktima nito mula 2013.
Ipapadeport anya si Lim pabalik ng Korea batay na rin sa kahilingan ng Korean Embassy.
Ipinabatid ng Korean Embassy sa BI na may nakabinbing mga kaso ng large-scale fraud si Lim sa mga korte sa Korea.
Inihayag naman ni BI Spokesperson Dana Krizia Sandoval na nagbenta si Lim ng mga non-existent smart phones at iba pang retail items sa pamamagitan ng kanyang web portal at naibulsa ang mga perang ipinadala ng daan-daan nitong biktima sa account nito.
Tinatayang 150 Million Won ang nakulimbat ni Lim mula sa 381 na biktima nito.
Posibleng maharap ang Korean sa 10 taong pagkakabilanggo.
Ulat ni Moira Encina