Higit 1.6 milyong doses ng J&J Covid-19 vaccine na donasyon ng Amerika, dumating na sa bansa
Nasa bansa na ang unang batch ng 1,606,600 doses ng Janssen Covid-19 vaccine na donasyon ng American firm Johnson and Johnson (J&J) firm sa Pilipinas sa pamamagitan ng Covax facility.
Pasado alas-4:00 ng hapon kahapon, July 16 nang lumapag ang mga bakuna sa Ninoy Aquino International Terminal 3.
Sinalubong ito nina Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, mga opisyal ng Department of Health, US Embassy in the Philippines Chargé d’ Affaires John Law, at United States Agency for International Development (USAID) Acting Mission Director Sean Callahan.
Kasama rin sa mga sumalubong ang mga kinatawan ng United Nations Children’s Emergency Fund (UNICEF) and World Health Organization (WHO).
Sinabi ni Galvez na ilalaan ang mga bagong dating na bakuna sa mga senior citizen at people with comorbidities.
Ang mga bakuna ay bahagi ng 3.2 milyong doses na ipinangako ng Amerika na ibibigay sa bansa.
Ngayong araw inaasahang darating pa ang karagdagang mga bakuna ng J&J.
Sa kabuuan, umaabot na sa 24,788,110 iba’t-ibang bakuna ang natanggap ng Pilipinas sa pamamagitan ng Covax facility.