Higit 1-milyong nakatanggap ng 1st dose ng bakuna di na bumalik para sa 2nd dose – DOH
Limampung porsyento ng mga nakatanggap ng unang dose ng COVID 19 vaccine ang hindi bumalik para sa kanilang 2nd dose ng bakuna.
Ayon sa epidemiologist na si Dr. John Wong, miyembro ng sub technical working group ng Inter Agency Task Force Against COVID 19, batay sa kanilang datos ay nasa mahigit 1.07 milyon nang nakatanggap ng unang dose ang hindi nakabalik para sa kanyang 2nd dose.
Sa datos ng Department of Health, hanggang nitong Mayo 31, nasa mahigit 4 na milyon na ang naturukan ng unang dose dito sa bansa habang nasa mahigit 1.2 naman ang fully vaccinated na.
Pero maliban sa ilang hindi bumabalik para sa 2nd dose ng bakuna, isa rin sa nakitang problema ng mga eksperto sa nagpapatuloy na vaccination program ay ang mababang bilang ng mga nasa A2 at A3 o senior citizens at persons with commorbidities nagpapabakuna.
Sa mga senior citizen ay 14% palang aniya ang nabakunahan habang 8% naman sa A3.
Giit ni Wong mahalaga na mabakunahan ang nasa sektor na ito para mapigilan ang 80% ng pagkamatay sa bansa dahil sa COVID 19.
Bagamat ang working age population aniya ang may mas mataas na posibilidad na mahawa ng Covid 19, ang mga matatanda naman ang mas may mataas na risk na masawi dahil sa virus.
Pero ayon kay Dr. Anna Ong Lim, miyembro ng Technical Advisory Group ng DOH, kailangan ding suriin ang mga dahilan kung bakit mababa ang bilang ng nagpapabakuna sa sektor na ito.
Maliban rito, isa pa nakikitang problema ng mga eksperto ay ang kakulangan sa suplay ng bakuna.
Pero ito ay hindi naman maiwasan dahil sa mataas ang demand ng Covid 19 vaccine sa buong mundo.
Dahil sa kakapusan ng suplay kaya ayon kay Lim ay mahigpit na ipinatutupad ng gobyerno ang prioritization sa pagbabakuna.
Madz Moratillo