Higit 1,000 pamilya, naapektuhan ng bagyong Lannie
Aabot sa 1,701 pamilya o katumbas ng 8,048 indibidwal ang naapektuhan ng pananalasa ng Tropical Depression Lannie.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mula sa nasabing bilang, 55 pamilya o 179 indibidwal ang nananatili sa mga evacuation center habang ang iba ay nakituloy sa kanilang mga kamag-anak o nagsibalikan na sa kanilang tahanan.
Nasa 21 Barangay naman sa mga rehiyon ng MIMAROPA at Western Visayas ang naapektuhan ng kalamidad.
Samantala, patuloy pang kinukumpirma ng NDRRMC ang 2 katao na namatay umano dahil sa bagyo.
Pagdating naman sa mga istruktura, nasa 19 bahay ang nawasak sanhi ng bagyo kung saan 16 rito ay partially damaged at 3 ang titally damaged.
Aabot naman sa 12,225,109 pisong halaga ng agrikultura ang nawasak ng bagyo sa Western Visayas.