Higit 1,600 indibidwal, inilikas sa Cagayan dahil sa Typhoon Kiko
Pumalo na sa 1,617 indibidwal o katumbas ng 488 families ang nananatili sa 61 evacuation centers sa Cagayan province dahil sa patuloy na pananalasa ng Typhoon Kiko.
Pero ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal, wala pang naiuulat na namatay o nawawala sa pagtama ng bagyo.
Nanatili aniyang bukas pa rin ang communication lines sa Batanes at wala pang naiuulat na untoward incident sa lalawigan at maging sa Calayan islands.
Batay sa situational report ng NDRRMC, 15 Barangay sa Region 2 ang apektado ng bagyo.
Katumbas aniya ito ng nasa 415 indibidwal o 120 families.
Nasa 374 o 103 families ang nasa walong evacuation centers habang ang 17 families ay nakikituloy muna sa kanilang mga kamag-anak at kakilala.
Samantala, sinabi ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad na posibleng humigit sa 700,000 katao ang maaaring maapektuhan ng pananalasa ng bagyong Kiko.