Higit 200,000 foreign arrivals, naitala sa bansa nitong Pebrero
Nasa kabuuang 211,899 international arrivals ang naitala ng Bureau of Immigration noong nakalipas na buwan.
Ayon kay Commissioner Jaime Morente, mas mataas ito ng 130% kumpara sa 91,000 tourist arrivals noong Pebrero 2021.
Nakapagtala rin ng pagtaas sa tourist arrivals ng bansa noong Enero ngayong taon na may 150,740 kumpara sa Enero ng 2021 na may 95,592.
Dahil dito, umaasa si Morente na unti-unti nang makakarekober ang travel industry ng bansa mula sa epektong idinulot ng Pandemya ng Covid-19.
Kasabay nito, nanawagan si Morente sa publiko na patuloy na sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols ng gobyerno.
Samantala, sinabi ni BI port operations chief Carlos Capulong na sa 200,000 arrivals, 154,661 rito ay mga Pilipino kung saan 72% sa kanila ay mga Balikbayan.
Sinundan ito ng 21,383 Americans; 4,026-Canadians at 3,250-British.
Tiniyak naman ng BI official na handa sila sa pagdagsa ng mas marami pang turista sa mga paliparan.