Higit 200M Covid-19 vaccine doses, naideliver sa bansa ayon sa NTF
Lumampas na sa 200-million mark ang bilang ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) vaccine doses na nai-deliver sa bansa. Ayon ito sa isang opisyal ng National Task Force (NTF) against Covid-19.
Sa nasabing numero ay kasama na ang binili ng pribadong sektor na 957,000 doses ng AstraZeneca vaccine, na dumating alas-7:30 kagabi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Ayon kay NTF strategic communications on current operations head, Assistant Secretary Wilben Mayor . . . “Ikinagagalak kong ibalita sa ating mga kababayan ang isa na namang milestone na narating natin sa ating paglaban sa Covid-19 dahil ang kabuuang bakunang nabili ng bansa ay umaabot na ngayon sa 200,885,005 million doses. Ipinapakita nito ang dedikasyon at commitment ng gobyerno sa mamamayang Filipino na masupil ang Covid-19 pandemic.”
Dagdag pa ni Mayor, kabuuang 47,128,197 million Filipinos, kumakatawan sa 61.10 percent ng target population at 42.77 percent ng kabuuang populasyon ng bansa ang fully vaccinated na.
Hinimok ni Mayor ang lahat ng hindi pa nagpapabakuna na magpabakuna na ngayon, dahil sa banta sa kalusugan na dala ng Omicron variant.
Dagdag pa niya, higit 20 million Covid-19 vaccine doses ang available sa government stockpiles at sapat para sa mga gustong magpabakuna.
Kailangan pa ng Pilipinas na ganap na mabakunahan ang pitong milyong Filipinos sa pagtatapos ng buwan, para maabot ang target na 54 million at makuha ang population protection ngayong taon.
Base sa datos mula sa national Covid-19 vaccination dashboard, ang Pilipinas hanggang noong December 25, ay nakapagbigay na ng kabuuang 105,329,784 doses ng bakuna sa buong bansa, kung saan 47,109,449 ma Pinoy ang ngayon ay fully vaccinated na at 1,365,827 iba pa ang nabigyan na ng booster shots.
Dahil sa pananalasa ng bagyong Odette, ang average daily Covid-19 vaccination rate ng bansa ay bumaba sa 675,567 doses.