Higit 30 insidente ng Hate crimes na target ang mga Pilipino, naiulat sa Amerika
Nasa higit 30 insidente ng hate crimes kung saan target ang ating mga kababayang Pilipino ang naiulat sa Estados Unidos.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary for Migrant Workers’ Affairs Paul Raymund Cortes, umaabot ito sa 39 documented cases kabilang na ang kaso ng 67-anyos na Pinay na higit 100 beses na inatake sa New York.
Sa ngayon masusi aniyang tinitingnan ng Konsulado kung ang mga krimen ay hindi lamang harassment kundi hate crimes na tinatarget ang ating pagka-Pilipino.
Sinabi pa ni Cortes na nagsasagawa na sila ng webinars on self-defense sa mga Pilipino doon upang maprotektahan ang kanilang sarili sa pang-aatake at maging aware ang Asian -American communities.
Namahagi rin ng pepper spray ang Philippine Consulate General sa ating mga kababayan na maaaring magamit nila sakaling mayroong umatake sa kanila.
Hinimok din ng Konsulado ang mga Pinoy doon na magsumbong sa mga local police dahil malaki ang sistema ng Amerika sa pagtulong hindi lamang sa mga Asyano kundi maging sa ibang lahi lalu na ang may kinalaman sa hate crimes.