Higit 300 libong pisong halaga ng hinihinalang shabu, nakumpiska sa Laguna
Isang 40- anyos na lalaki ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Phil. Druy Enforcement Agency o PDEA Laguna at Calamba City PNP, sa Barangay Pansol, Calamba City, Laguna.
Nakilala ang suspek na si Richard Mejia, residente ng Brgy. Canlubang sa Calamba City.
Ang suspek ay isa sa high value target individuals na nasa drug watch list.
Nakumpiska sa pag-iingat nito ang sampung pirasong heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, na tumitimbang ng 53 gramo at nagkakahalaga ng 360 libong piso.
Si Mejia ay inaresto matapos makipagtransaksiyon sa isang police officer na nagpanggap na poseur buyer, na bumili ng isang pirasong sachet ng droga sa halagang apat na libong piso.
Nakuha rin sa pag-iingat ni Mejia ang 16 na pirasong tig-isanglibong pisong boodle money, at 10 piraso ng tig-100 pesos na hinihinalang drug money.
Ang suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya, at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Edna Mayores