Higit 3k pamilya inilikas dahil sa pag-a-alburuto ng Bulkang Mayon
Nailikas na ng pamahalaang panlalawigan ng Albay ang mahigit sa 3,000 pamilya na nakatira sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone (PDZ) sa paligid ng Mayon Volcano.
Sinabi ni Eugene Escobar, officer-in-charge ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) na inalerto na rin nila ang mga residente sa loob ng 7-km extended danger zone na maghanda sa paglikas kung kakailanganin.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo program na Ano sa Palagay Nyo? (ASPN) ay sinabi ni Escobar, “Ngayon po inihahanda na rin natin yung mga nakatira sa 7-km mapanganib na lugar na maaari po silang mag-evacuate anytime po na itaas ang antas ng alerto sa 4 ng PHIVOLCS.”
Bahagi ng paghahanda ng lokal na pamahalaan katuwang ang provincial health office, at mga health officers ng mga lokal na pamahalaan, na bantayan ang kalusugan ng evacuees.
Aminado si Escobar na posibleng magkaroon ng outbreak ng sakit sa tuwing natitipon ang maraming evacuees sa isang lugar.
“Patuloy po silang nagmamasid, nagbibigay ng preventive health measures para maiwasan po natin yung ganung pangyayari [outbreak ng sakit],” dagdag pa ni Escobar.
Sa ngayon ay umiiral na ang state of calamity sa buong lalawigan ng Albay sa atas ni Albay Governor Edcel Lagman.
Nangangahulugan itong maaari nang gamitin ng mga LGU ang kani-kanilang quick response fund (QRF) para tugunan ang pangangailangan ng mga residenteng apektado sa aktibidad ng Bulkang Mayon.
Weng dela Fuente