Higit 40 Chinese na nahuli sa Pasay, pinadeport
Ipinatapon na pabalik sa kanilang bansa ang 43 chinese na una ng nahuli ng mga awtroridad sa ginawang raid sa isang POGO Hub sa Pasay City.
Sakay sila ng Philippine Airlines flight patungong Shanghai, China.
Ayon kay Usec Gilbert Cruz, hepe ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, ang mga nasabing dayuhan ay kasama sa nahuli sa ginawang raid sa isang POGO hub sa Pasay City noong Oktubre.
Ang mga ito aniya ay pawang walang mga dokumento kahit passport ay walang maipakita sa kanila.
Inilagay na rin ang mga ito sa blacklist ng Bureau of Immigration.
Hindi naman natuloy ang nakatakda rin sanang deportation sa Vietnamese national na kasamang nahuli ng mga ito.
Ayon kay Cruz, bukas nalang ito ibabiyahe pabalik sa kaniyang bansa.
Ang iba naman sa mga nahuli ay sinampahan ng kaso kaya mananatili muna dito sa bansa.
Sa pagtaya ni Cruz ay nasa humigit kumulang 500 dayuhan na kinabibilangan ng mga Chinese, Vietanamese at Malaysian ang kanilang naipadeport.
Sa ngayon ay may 50 dayuhan pa aniya ang kasalukuyan pang nakahold habang hinihintay ang clearance mula sa Bureau of Immigration at inaasahang maipapadeport na rin sa mga darating na buwan.
Madelyn Villar – Moratillo