Higit 46 milyong doses ng anti-Covid-19 vaccine sa bansa, naibakuna na
Nasa kabuuang 46,251,087 doses ng anti-Covid-19 vaccines ang naipamahagi at naibakuna na sa mga mamamayan sa buong bansa.
Batay sa dashboard ng National Covid-19 Vaccination hanggang kahapon, Sabado, October 2, kabilang dito ang nasa 24,513,343 bilang unang dose at 21,737,744 second doses shot.
Nakapagtala rin ng 355,222 doses daily vaccination rate sa nakalipas na pitong linggo.
Samantala, hinikayat ni National Task Force Against Covid-19 chief Secretary Carlito Galvez Jr. ang mga lokal na pamahalaan na pabilisin pa ang kani-kanilang vaccination drive at magpatayo ng mas maraming ultra-cold storage facilities para sa mga highly sensitive vaccine gaya ng Sputnik V, Pfizer, at Moderna.
Ito ay dahil sa inaasahang 100 milyong doses ng mga bakuna na darating sa bansa ngayong Oktubre.
Hanggang kahapon, October 2, 2021, nasa kabuuang 75,597,140 doses na ng mga bakuna ang natatanggap ng bansa kabilang dito ang bagong dating na 889,200 doses ng Pfizer vaccines sa pamamagitan ng COVAX Facility.