Higit 5,000 indibidwal sa Batangas, lumikas na dahil sa patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Taal
Umabot na sa 5,583 indibidwal o katumbas ng 1,563 families na karamihan ay mula sa mga bayan ng Laurel at Agoncillo ang lumikas na mula sa kanilang mga tahanan dahil sa patuloy na naitatalang pagbuga ng sulfur dioxide ng bulkan.
Sa panayam ng Balitalakayan kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Mark Timbal, mula sa nasabing bilang, 3,617 sa mga ito ay nananatili sa 22 evcuation centers.
Katumbas ito ng 1,026 families.
Habang ang nasa 1,966 indibdwal naman na katumbas ng 537 families ay nakikituloy sa kanilang mga kamag-anak.
Sa tala ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction ang Management Office (PDRRMO), ang mga evacuee ay mula sa mga bayan ng Agoncillo, Laurel, Taal, Lemery, Balete, Cuenca, Mataas na Kahoy, San Nicolas, Talisay, Tanauan city.
Samantala, sinabi pa ni Timbal na nakapagpadala na ang Department of Social Welfare and Development ng mahigit 5,000 family food packs kahapon at karagdagan pang tents para sa mga evacuee.
Ipatutupad aniya nila ang 1 tent, 1 family para matiyak na masusunod ang physical distancing.
Nagpadala na rin ng mga face mask at mga gamot ang Department of Health at Department of Science and Technology.
Nakahanda na rin aniya ibang lokal na pamahalaan na maglaan ng karagdagang evacuation centers kung kukulangin.
Kabilang din aniya sa mga posibleng gamitin munang evacuation centers ay ang mga eskuwelahan at iba pang pasilidad ng gobyerno.
Samantala, dinagdag pa ni Timbal na nagbukas ng donation hub ang Batangas provincial government para maging mas organisado ang pagtanggap ng mga ayuda para sa mga lumikas.
NDRRMC Spokesperson Mark Timbal:
“Para sa mga kababayan nating nais tumulong nagbukas ng donation hub ang Batangas provincial government para sa pagtanggap ng mga ayuda. Usually mga pagkain, tubig, mga non-food item kasama na ang mga kagamitan sa pagprotekta laban sa Covid-19. Makipag-coordinate po tayo sa LGU para mas maging maayos ang distribusyon”.