Higit 562,000 doses ng Pfizer vaccine na binili ng gobyerno, dumating na sa bansa; NCR Plus 8 prayoridad na mabigyan ng bakuna
Dumating na sa bansa ang nasa 562,770 doses ng Pfizer vaccine kagabi.
Lumapag ang mga bakuna sa Ninoy Aquino International Terminal 3 lulan ng flight mula Belgium.
Ang mga bakuna ay bahagi ng 40 milyong doses ng Pfizer vaccine na binili ng pamahalaan.
Sinabi ni National Task Force (NTF) against Covid-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na ang karamihan sa mga bakuna ay ilalaan sa National Capital Region (NCR) Plus 8 o ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Pampanga, Batangas, Rizal, Bulacan, Metro Davao, at Metro Cebu at mga lokal na pamahalaan na may mga cold chain facilities na kayang iimbak ang mga nasabing brand ng bakuna.
51,480 doses mula sa mga bakuna ay ipapamahagi sa Cebu at Davao habang ang iba ay dinala sa Luzon.
Naglaan din aniya ng 30,000 doses ng bakuna para sa mga seafarers at mga OFW na ang destinasyon ay nirerequire ang Pfizer brand ng bakuna.
Inaasahang sa Agosto ay darating pa ang karagdagang batch ng mga biniling bakuna ng Pfizer.