Higit 62M SIM cards narehistro na hanggang noong April 7 – DICT
Mahigit na sa 62 milyong subscriber identity module o SIM cards ang nairehistro na hanggang noong Biyernes, Abril 7.
Sinabi ni Undersecretary for Public Affairs and Foreign Relations Anna Mae Yu Lamentillo ng Department of Information and Communications Technology (DICT) nasa kabuuang 62,170,268 ang nagrehistro ng kanilang SIM cards.
Sa nasabing bilang, 4,711,456 ang nakarehistro sa ilalim ng Dito Telecommunity; 26,348,304 ang sa Globe Telecom; at 31,110,508 mula sa Smart Communications.
Gayunman, sinabi ng DICT na ang bilang ay nasa 36.79% lamang ng kabuuang 168,977,773 SIM cards na naibenta sa buong bansa.
Ayon sa DICT naghahanda na ang Big 3 telecommunication companies para sa posibleng scenario ng mga subscribers na maghahabol mag-rehistro sa April 26, ang deadline na itinakda ng batas para sa SIM card registration.
Ang mga mabibigong mag-rehistro ng kanilang SIM cards ay mahaharap sa deactivation, gayunman maaari namang i-extend ng gobyerno ang deadline sa loob ng 120 araw.